Deliryo para sa Bangsamoro
Linda Elouali Bansil

Mabuti at naantay mo ang tamang panahon 
upang kunin ka ng pinakamahabaging Allah
sa tagal mong nawala at nangibang bansa 
walang nagbago dito Ama 
Minsan ay pinakita mo ang malawak 
na lupaing may palmeras 
sabi mo lahat ng ito
lahat ng abot ng aking mata ay sa atin
Ika'y parang malayo 
sinisigaw mo sa hangin na ito ay atin
mistulang deliryo sa araw na ito 
di ka tumitigil sa katotohanan
nilalampasan mo ang mga checkpoints 
di ka humihinto 
di ka bumubusina
para kang batang nakatakas sa mahabang hapon
na di natulog at tinakasan ang magulang
ngayon ito ang iyong hapon
mainit ang mga luha mo Ama
mahapdi ang buhos nito at di mo na mapigilan
at sinabi ko sa iyo kung bakit iba ang sinasabi
ng binasa kong libro
Mali ang kasaysayang sinulat 
at totoo ang iyong kuwento

Deliryo ikaw ay nagdedeliryo
isang malalim na sugat 
bumubuhos ito sa ating daan
paano ito magiging atin 
kung nagsisidatingan ang mga banyagang
nanunupil?
di mawala ang katwiran nilang mamalagi
at wala silang rason upang umalis
gusto nila hindi lang ang ating lupa 
kungdi lasunin ang ating kaluluwa 
Kung ikaw ay di na naniniwala sa kalayaan
paano pa ang iyong anak na wala na ring
ilalaban?

Nakita ko rin kung paano nawala ang iyong pag-asa
hinihingi mo ang kamatayan 
parang gusto ko ring ipagdasal ito para sa iyo
kapalit ng pagkabigo ng bangsamoro
ang rebolusyonaryo mong kaibigan niyakap ang gobyerno
ang isa ay lumundag ng bakuran at nangibang bahay
at ang iba ginawang negosyo
ang katiting na prinsipyo

Inantay mo rin Ama
ang tamang panahon 
Nakita ko rin ang ngito mo sa araw na iyon
habang nagsidatingan ang mga pumanaw mong kaibigan
ang mga kalaro mo sa chess na lagi namang talo
ngunit humahanga sa iyo
Silang mga kasabayan mo sa paginum ng tsaa
ng kape ng tubig punong puno ng pagasa
Iba -iba ang salita nila 
Sama, Tausug , Maranao, Maguindanao ,Malayo at Arabo
Isa -isa mong tinawag ang kanilang pangalan
at masaya sila na kasama ka na nila muli 
mas marami palang kaibigan sa kalangitan
mas maraming palmeras
at walang sundalo
andoon ang mosque ng lahat 


Inantay mo rin Ama 
ang araw na kinuha ka ni Allah
sapagkat kung hindi 
Isa ka sa mga di nakinig ng sarili mong kutba.

وافتقد والدي وأنا أريد لمقابلته قريبا 

والدي في السماء


Comments